Sinalubong nina Deputy Administrators Josefino I. Torres at Mocha J. Uson at DFA OUMWA Usec. Sarah Arriola ang mga OFWs kasama si Labor Attache David Des Dicang na dumating kahapon, Enero 15 sa NAIA mula Doha, Qatar.

Pansamantalang mananatili sa OWWA Halfway House ang apat na OFWs mula Iraq bago umuwi sa kani-kanilang probinsiya.

PASAY CITY – Sinalubong ng iba’t ibang opisina ng Administrasyong Duterte, kasama ang Department of Labor and Employment at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga OFW kahapon, Enero 15 bandang 4:10pm sa NAIA, na umuwi mula sa Iraq para makaiwas sa kaguluhan sa naturang bansa bunga ng tensiyon sa pagitan ng Iran at U.S.

Sakay ng Flight QR 932 mula Doha, Qatar, siyam sa 13 repatriates ay mula sa Baghdad kasama ang dalawang bata habang ang apat ay mula sa Erbil. Mula sa Iraq, sila ay dinala sa Doha, Qatar madaling araw ng Enero 14 at agad inilipad sa Manila na sinamahang umuwi ni Labor Attache David Des T. Dicang.

Ang nasabing OFWs ay umuwi ng bansa sa ilalim ng kautusang mandatory repatriation order ng Department of Foreign Affairs pagkatapos maitaas ang Alert 4 sa bansang Iraq. Pito sa mga OFWs ay miyembro ng OWWA. Pinangunahan nina OWWA Deputy Administrators Josefino I. Torres at Mocha J. Uson kasama ang ilang opisyal ng iba’t ibang ahensya, ang pagsalubong sa mga dumating na displaced OFWs.

“Makakaasa po ang ating mga OFWs ng tulong mula sa OWWA. Pwede silang tumuloy sa OWWA Halfway House pansamantala para makapagpahinga. Bibigyan din sila ng inland transportation service o kaya ay airfare kung kinakailangan para makauwi sa kani-kanilang probinsiya.”, ang sabi ni  Deputy Administrator Torres.

Mula sa airport, iniabot ng OWWA officials ang ayudang P20,000.00 para sa dalawang OFW na aktibong miyembro ng OWWA habang P10,000.00 naman para sa limang hindi na aktibong miyembro ng ahensiya. Bukod sa ayuda, may iba pang reintegration assistance and services ang maaari nilang matanggap mula sa ahensya.

“Ang financial assistance para sa ating  mga miyembro ay paunang tulong lamang. Pag-uwi nila sa kani-kanilang mga probinsiya, maaari silang mag-avail ng ating Reintegration Program gaya ng Balik-Pinas! Balik-Hanapbuhay! Program”, dagdag pa ni Deputy Administrator Torres.

 Bagamat pagod at halos walang tulog mula nang ilikas sa Iraq papuntang Qatar, at pagkatapos ay Manila, hindi ito ininda ng mga nakauwing OFWs. Para sa kanila, ang mahalaga ay ligtas silang nakabalik ng bansa para makasama muli ang kanilang mga mahal sa buhay.

Pareho ang kuwento ng dalawang nakauwing OFW na sina Melinda at Cristina. Galing ng United Arab Emirates bilang lehitimong domestic helpers, lakas loob nilang tinakasan ang UAE noong 2018 at 2019 at tinawid ang Iraq bilang turista para makahanap ng mga bagong amo.

“Wala po akong naranasang maltrato sa amo kong Iraqi. Okay din po ang sweldo ko. Pero dahil ayaw kong maipit sa gulo doon, nagsabi ako sa kanila na uuwi na ko ng Pilipinas nang mabalitaan ko na nagpapauwi na ang embassy. Hindi nila ako pinayagan kaya nagdesisyon po akong dumiretso sa embassy natin para makauwi na sa amin sa Palawan,” ang sabi ni Melinda. Sinegundahan ni Cristina ang kuwento. Siya man ay sabik nang makauwi sa kanyang pamilya sa Leyte. Samantala, si Antonio ay anim na taong nanilbihan sa Erbil, Iraq bilang cook sa isang U.S. military facility.

“Natakot ako nung nagkabombahan na. Naalala ko ang pamilya ko, mga anak at apo sa Olongapo kaya nagdesisyon na ‘kong umuwi,” ang sabi ng 63 anyos na OFW. “Nagpapasalamat po ako sa ating mahal na Pangulo dahil ang bilis po ng aksiyon na mailikas kami,” dagdag pa ni Antonio.

Sina Melissa, Cristina at Antonio ay kasalukuyang nasa OWWA Halfway House para makapagpahinga ng ilang araw. Bibigyan sila ng transportation fare ng OWWA para makauwi sa kani-kanilang pamilya. Makakatanggap din sila ng livelihood assistance mula sa OWWA regional welfare offices ng kani-kaniyang lugar ayon sa estado ng kanilang OWWA membership.

Ang OWWA ay ang pangunahing ahensya na nagsusulong ng kapakanan ng mga OFW at kanilang pamilya. (OWWA XI)